IGUIG, CAGAYAN—Sa pagsasama-sama ng mga pinuno ng pamahalaang lokal ng Iguig at mga kinatawan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG), opisyal nang pinasinayaan ang bagong multi-purpose gymnasium sa bayan ng Iguig ngayong araw, ika-23 ng Enero, 2025. Ang proyektong ito ay pinondohan sa ilalim ng FY 2023 Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF).

Pinangunahan ang seremonya ni Mayor Ferdinand B. Trinidad, kasama sina DILG Regional Director Agnes A. De Leon, OIC-Provincial Director Marietta F. Abalus ng DILG Cagayan, at mga kinatawan mula sa Panrehiyon at Panlalawigang Yunit ng Pamamahala at Pagpapaunlad (PDMU). Dumalo rin sa aktibidad ang mga lokal na opisyal at kawani ng Bayan ng Iguig, mga kinatawan ng Kawanihan ng Pamatay-Sunog (BFP), at mga residente ng bayan. Naging panauhing pandangal sa nasabing okasyon ang dating Kalihim ng DILG, si Atty. Benjamin Abalos Jr.

 

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni RD Agnes A. De Leon ang dedikasyon ng lokal na pamahalaan ng Iguig sa pagsulong ng kaunlaran sa bayan. Aniya, “Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Trinidad, kitang-kita po ang pagsisikap ng inyong lokal na pamahalaan na maipatupad ang mga proyektong tutugon sa pangangailangan ng inyong mga mamamayan. Ang inyong malasakit at aktibong pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa pagpapaunlad ng imprastraktura at serbisyo ay sumasalamin sa layunin ng ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng adbokasiya ng Bagong Pilipinas.”

 

Ang bagong multi-purpose gymnasium ay inaasahang magiging sentro ng iba’t ibang aktibidad ng komunidad, kabilang ang mga sports events, pampublikong pagtitipon, at pang-emergency na mga programa. Sa kanyang talumpati, pinuri ni Mayor Trinidad ang tulong ng DILG sa pagpapatupad ng mga proyektong tulad nito, na naglalayong mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga residente ng Iguig.

 

Ang pagtatayo ng gymnasium ay isa sa mga patunay ng matagumpay na kolaborasyon ng lokal na pamahalaan at ng pambansang ahensya upang maisulong ang patuloy na pag-unlad sa mga bayan ng Cagayan at sa buong bansa sa ilalim ng adbokasiya ng Bagong Pilipinas.

 

PEO II Louella Marie T. Pader

RDsCorner

ARDsCorner

PAGASA Weather Update

GAD Corner

Anti-Red Tape

Advance Fee Scam