Upang ipahayag ang resulta ng nagdaang pagtatasa sa Seal of Good Local Governance (SGLG), ang panrehiyong tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan ay nagsagawa ng Utilization Conference (UC) sa mga sumusunod na pamahalaang lokal ng rehiyon: Claveria at Amulung, Cagayan noong ika-18 ng Pebrero; Piat at Ballesteros, Cagayan noong ika-19 ng Pebrero; Tuao, Cagayan noong ika-20 ng Pebrero; Bambang at Bayombong, Nueva Vizcaya at Panlalawigang Pamahalaan ng Nueva Vizcaya noong ika-4 ng Marso; Panlalawigang Pamahalaan ng Quirino at Lungsod ng Santiago noong ika-5 ng Marso; Lungsod ng Cauayan at Ilagan, Isabela noong ika-6 ng Marso; Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan noong ika-7 ng Marso; at Panlalawigang Pamahalaan ng Cagayan noong ika-20 ng Marso ng taong kasalukuyan. 

Sa pamamagitan ng Governance Assessment Report (GAR), natukoy ang mga pamamaraan upang mas mapabuti at mapaunlad ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga plano at serbisyo para sa kanilang nasasakupan. Ang pagtalakay sa GAR ay nagbigay daan din upang kilalanin ang mga natatanging programa at inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan.

Nabanggit din sa nagdaang UC ang mga potential indicators ng SGLG para sa taong kasalukuyan. Ang nasabing aktibidad ay pinangasiwaan nina LGMED Chief Maybelle Anog, Assistant Division Chief Jennifer Baguisi, LGOO V Carmelle Gayagoy, LGOO IV Emmalene Kaye Linacero-Babalo, at Statistician I Marie Christine A. Carpio-Taguiam.

Ang SGLG bilang programa ay pagkilala sa matapat, bukas, at mahusay na pamamahala. Ang utilization conference ay ang huling yugto ng programang ito at isinisagawa sa lahat ng pamahalaang lokal hanggang ika-31 ng Marso ng bawat taon.

RDsCorner

ARDsCorner

PAGASA Weather Update

GAD Corner

Anti-Red Tape

Advance Fee Scam