
Lumahok ang mga kinatawan mula sa DILG Rehiyon Dos sa 3rd International Smart City Exposition and Networking Engagement (iSCENE), kung saan tampok ang talakayan ukol sa paggamit ng makabagong teknolohiya para sa mas matalinong pamahalaang lokal at mas matatag na komunidad.
Sa kanyang makabuluhang mensahe, binigyang-diin ni DILG Undersecretary for Local Government Marlo L. Iringan, CESO III, ang malawakang hakbang ng DILG tungo sa digitalisasyon at pagyakap sa teknolohiya bilang kasangkapan sa pag-unlad ng bawat Pilipino.
Aniya, “Ang pag-unlad ng teknolohiya ay pag-unlad ng ating buhay.” Isinulong niya ang paggamit ng mga makabagong solusyon gaya ng AI hindi lamang para sa kaligtasan ng publiko kundi bilang suporta sa mas epektibo, episyente, at mahusay na pamamahala.
Bilang bahagi ng programa, ipinakilala rin ang DILG Strategic Plan na layuning gabayan ang mga lokal na pamahalaan tungo sa digital na pagbabago. Ito ay buong husay na tinalakay ni LGOO V Kymverlie P. Mallo mula sa DILG Rehiyon Dos, kung saan inilahad niya kung paano nakatutok ang plano sa pagpapatibay ng digital governance, climate resilience, at inklusibong pamumuno sa lokal na antas.
Ang aktibong pakikibahagi ng mga tauhan ng DILG Rehiyon Dos sa nasabing aktibidad ay patunay ng kanilang dedikasyon na isulong ang mga repormang digital ng Kagawaran. Tungo ito sa layuning gawing mas mabilis, matapat, at mahusay ang serbisyo sa lahat ng pamahalaang lokal sa buong rehiyon at bansa.
LGOO II Suzette J. Baysauli