
TUGUEGARAO CITY, CAGAYAN – Ang Committee on Devolution sa antas ng rehiyon ay pormal na naitatag ngayong ika-5 ng Agosto 2021 alinsunod sa Atas Tagapagpaganap Blg. 138. Layunin nitong mapalawig ang kahandaan ng mga pamahalaang lokal at iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan sa nalalapit na pag-aabot ng tungkulin ayon sa pasya ng Korte Suprema sa petisyon nina Gobernador Hermilando Mandanas ng Probinsya ng Batangas at dating gobernador ng Bataan Enrique Garcia, Jr. o ang tinatawag na Mandanas-Garcia Ruling. Ang Kagawaran ng Badyet at Pamamahala ang uupo bilang tagapangulo ng komite at ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal bilang pangalawang pangulo.
Ang pagpupulong ay dinaluhan ng animnapung kalahok na binubuo ng mga Punong Panrehiyon at mga kinatawan mula sa iba’t ibang kagawaran tulad ng: Pambansang Pangasiwaan sa Kabuhayan at Pagpapaunlad (NEDA), Kawanihan ng Pananalapi ng Lokal na Pamahalaan (BLGF), Kagawaran ng Agrikultura (DA), Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR), Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Kagawaran ng Kalusugan (DOH), Kagawaran ng Katarungan (DOJ), Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST), Kagawaran ng Turismo (DoT), Kagawaran ng mga Pagawain at Lansangang Bayan (DPWH), at Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD). Kabilang din sa pagpupulong ang mga pangulo o kinatawan ng Liga ng mga Munisipyo mula sa limang probinsya ng rehiyon, at Liga ng mga Konsehal ng Pilipinas sa antas ng rehiyon. Ang mga nasabing kalahok ay nagsilbing miyembro ng nasabing Committee on Devolution.
Magasasagawa ng pangrehiyong oryentasyon Ukol sa Devolution Transition Plan (DTP) sa ika-labing-isa at ikalabing dalawa ng Agosto 2021 sa pamamagitan ng Zoom. Ito ay dadaluhan ng iba’t ibang lokal na opisyal mula sa antas ng probinsya pababa sa mga barangay. Layunin nito na maiangat ang kamalayan at mapaigting ang paghahanda para sa pagpapatupad ng Mandanas-Garcia Ruling sa taong 2022.
(Pinagmulan: LGCDD)