LUNGSOD NG ILAGAN, ISABELA – Nagsagawa ng paunang oryentasyon ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal sa lalawigan ng Isabela para sa Seal of Good Local Governance for Barangay (SGLGB) sa pamamagitan ng Zoom Online application noong ika-18 ng Agosto 2021.

Nilahukan ng mga Pinuno ng mga Kumpol, Pambayang Tagapagkilos ng Pamahalaang Lokal at ng knilang mga panteknikal na tauhan, layunin nitong bigyan kaalaman at kalinawan ang mga kalahok sa mga patnubay tungkol sa pagpapatupad ng pilot testing alinsunod sa DILG Memorandum Sirkular Bilang 2021-074. Nagkaroon din ng pagsasanay sa mga kalahok tungkol sa pag-navigate ng SGLGB Information System o SGLGB-IS.

Sa kaniyang mensahe, ipinabatid ng Panlalawigang Direktor ng Kagawaran na si Engr. Corazon D. Toribio, na sa pamamagitan ng SGLGB, makikita ang mga bagay na dapat pang linangin sa lebel ng mga barangay.

“Ang mga barangay na bibigyan natin ng pagkilala ay magsisilbing inspirasyon sa iba upang mas lalo pa nilang paghusayan ang paglilingkod sa bayan”, aniya.

Ang SGLGB ay magsisilbing isang award, incentive at recognition-based program na naghihikayat sa mga opisyal ng barangay na patuloy itaas ang antas ng serbisyo at mas pagbutihin ang kanilang mga kakayahan sa paglilingkod sa bayan upang mapabuti pa ang paggawa ng barangay sa mga iba’t ibang aspeto ng pamamahala tungo sa mas makabuluhang pamumuno sa kanilang mga barangay.

Isasailalim sa pilot testing ang isa sa mga pinakamahusay na barangay sa bawat lungsod at bayan sa lalawigan. Titingnan ang katayuan ng mga barangay base sa kanilang mga nagawa sa taong 2019 na magsisilbing year under review. Ang “3+1” principle ang gagamiting pamantayan kung saan ang mga barangay ay kailangang maipasa lahat nang tatlong pangunahing kategorya o ang tinatawag na Core Areas.

Ito ang (1) Safety, Peace and Order; (2) Financial Administration and Sustainability; at (3) Disaster Preparedness. Samantala, isa sa mga tatlong Essential Areas ang kailangan nitong maipasa. Kabilang sa mga essential areas ang (1) Social Protection and Sensitivity (2) Business-Friendliness and Competitiveness; at (3) Environmental Management.

Nagsilbing mga tagapagsalita sa oryentasyon sina LGOO V Carmelle F. Gayagoy, LGOO V Michael Angelo L. Benigno at Data Analyst Art Benetton C. Miranda.

(PINAGMULAN: LGOO V MICHEAL ANGELO L. BENIGNO)

RDsCorner

ARDsCorner

PAGASA Weather Update

GAD Corner

Anti-Red Tape

Advance Fee Scam